Isinaad ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong Biyernes na ang mahihirap na mga Pilipino na tumatanggap ng tulong mula sa gobyerno ang uunahin na mabigyan ng bakuna ng COVID-19 sa oras na magkaroon na nito. Ayon din dito, ang sunod na bibigyan ay ang mga middle-income citizens gayundin ang mga militar at pulis na tinatawag nitong “backbone” ng kaniyang administrasyon. “Ang una talaga ‘yung mga tao sa listahan na tumatanggap ng assistance sa gobyerno. Ngayon, pangalawa, ‘yung middle income. Libre ito, hindi ko ito ipagbili,” ani Duterte. “Yung mga upper income bumili na lang kayo,” dagdag nito. Ihinayag ni Duterte sa State of the Nation Address noong Lunes (Hulyo 27) na nakiusap ito sa Presidente ng China na si Xi Jinping na unahin ang Pilipinas sa oras na makabuo na ang China ng bakuna laban sa COVID-19. Tugon naman ng China, bibigyan prayoridad nito ang Pilipinas sa oras na maging matagumpay ang isinasagawa nitong bakuna. Ang pagbibigay prayoridad ng Beijing sa Pilipinas sa isinasagawa nitong bakuna ay kinumpirma ni Pangulong Duterte ngayong Biyernes.
Comments