• Good News

Kapampangan as Catholics

“The world tells us to seek success, power and money; God tells us to seek humility, service and love.” – Pope Francis
Sa larangan ng relihiyon,masasabing ang mga Kapampangan ay kayod kalabaw,mula sa pagpapatayo ng mga simbahang Katoliko,pagdidisenyo ng mga retablo't mga santo,pagdalo sa mga simbahan sa araw ng Linggo,pagdaos ng Mahal na Araw at marami pang iba.Tunay nga na ang pagmamahal at serbisyong binibigay nila sa Poong Maykapal ang nagpapatunay sa kanilang pagiging mairugin.

Humigit kumulang 20 makasaysayang simbahan ang mayroon ang Pampanga na kinokonsiderang yaman ng bansa dahil sa natatangi nilang kasaysayan at ganda.Laging dinadalaw ang mga ito,hindi lamang ng mga Kapampangan,maging ang ibang mga Pilipino.Isa na rito ang Betis Church of Guagua na tinatawag na "Sistine Chapel of the Philippines." Ito'y bantog 'di lamang sa estilo,maging sa hand-painted nitong kisame't mga pader,siguradong mae-enganyo ang sinomang taong makakakita nito.Maging ang San Guillermo Church ng Bacolor ay itinuturing na makasaysayang simbahan buhat na lamang ng dagok na dinanas nito noong sumabog ang Mt.Pinatuno(1991-1995).Ito'y nananatili pa ring matatag magpasimula noon hanggang ngayon.Itinalaga naman ng  National Commission for Culture and the Arts and National Museum ang Santiago de Galicia Parish ng Guagua,Pampanga bilang isang National Treasure bunsod na rin ng orihinal na ceiling mural ng sikat na pintor na si Simon Flores.

Kapit tuko ang mga Kapampangan sa mga iba't ibang santo't santa na kanilang ginagalang at pinaniniwalaang nakapagpapagaling.Si San Nicolas de Tolentino,patron saint ng Macabebe Pampanga,na pinaniniwalaang nakapagpapagaling ng mga may sakit gamit ang tinapay na tinatawag ngayon na  "panecillos de saniculas".Ang tinapay raw na ito ay pinaniniwalaang lucky charm o pampaswerte.Sa pagdaraos ng prusisyon,tiyak na palalamutian ng mga Kapampangan ang mga arko kung saan nakalagay ang santo/santa.Ito raw ay isa sa mahalagang bahagi ng pagsamba ng mga Katoliko.  Hindi lamang kung kaarawan ng pista ng kanilang mga santo at santa sila nagdaraos ng prusisyon, kundi sa mga tanging pagkakataon, gaya na kung humihingi sila sa kanilang patron ng ulan, o ng mabuting ani, o kaya’y ng kaligtasan sa mga salot o mga sakit na lumalaganap.Nagdaraos rin sila ng mga iba't ibang mga festival bilang isang pagbibigay puri sa mga santo at santa, at mga pinaniniwalaang mga apu o ninuno.Tampok rito ang mga festival dances na lubos na pinaghahandaan ng mga lumalahok.

Itinuturing ng lahat na ang Semana Santa ay isang napakaimportanteng tradisyon na kung saan ay inaalala ang naging buhay ni Jesus dito sa mundo.Sa tuwing darating ang panahong ito,makikita mo ang mga Kapampangan na nag-aayos ng kanilang mga palaspas na kanilang dadalhin sa Palm Sunday,isang hudyat ng pagsisimula ng Semana Santa.Sinisigurado rin nilang makapag-ayuno lalo na sa araw ng Biyernes ng Mahal na Araw,ipinapakita dito ang pagtitiwalang nilalaan nila sa Panginoon na hindi lamang tinapay ang makapagpapabusog sa kanila maging ang salita Niya.Hindi rin nila nakakalimutan ang Pabasa,isang pagbabasa ng mga teksto tungkol sa buhay ni Hesus na kanilang sinisimulan katapos ng Palm Sunday.Dinadayo naman ng mga libu-libong turista ang Cutud,isang lugar sa Pampanga,upang makapanood ng Lenten Rites gaya na lamang ng pagsasadula ng pagka-pako ni Kristo na ginagampanan ng mga nakikilahok bilang tanda ng kanilang matinding pananampalataya kay Hesus.

Sinasabi sa Matthew 6:33, But seek ye first the kingdom of God, and his righteousness; and all these things shall be added unto you.Hindi maikakailang ang mga Kapampangan ay sadyang mga relihiyoso.Hindi nila masyadong binibigyan ng pansin ang mga makamundong bagay, bagkus ay tinutuon ang kanilang mga sarili sa Diyos.Marahil ay batid nila ang tunay na nararapat na gawin dito sa mundo--pagsilbihan ang Diyos ng buong puso.Isa na itong patunay na ang karunungan ay patuloy pa ring nananalaytay sa kanilang dugo.Ating piliin ang nararapat at iwaksi ang hindi dapat.Prayoridad ay isipin,gawain ay linangin,at sa huli,bunga'y masaganang aanihin.Humingi sa Diyos ng dunong nang sa ganoon ay hindi ka malilinlang ng mundong mala mansanas,puno ng tukso't kasinungalingan.Ikaw,anong itinuturing mong "worthy" sa mundong ito?

Comments

0 Comments