LIGA NEWS BEAT! Mahigit sa dalawampung (20) benepisyaryo ng Posthumous Assistance ang nakatangap na ng tulong-pinansyal mula sa Liga ng mga Barangay (LNB)- Calamba sa pangunguna ni LNB President Reginald C. Oliva noong nakaraang LNB Regular Meeting, Setyembre 2. Pinagkalooban ng salapi ang bawat pamilya ng mga miyembro ng LNB na binawian ng buhay habang nanunungkulan bilang tugon sa Panloob na Alituntunin at Regulasyon ng LNB na kung sino man ang mamatay habang nagseserbisyo sa Sangguniang Barangay ay makatatanggap ng tulong-pinansyal mula sa LNB. Ikinatuwa ni G. Melquiades Datiles, anak ng isa sa mga namayapang tanod ng barangay San Jose ang natanggap nilang salapi dahil malaking tulong umano ito sa kanilang pang-araw araw na gastusin at kahit papaano ay nabigyan ng pagkilala ang serbisyong naiambag ng kanyang ama sa kanilang barangay. "Nagpapasalamat kami kay Kap Reggie dahil matagal tagal na rin naming hinintay na maibigay yung tulong mula sa Liga kaya nakatutuwa na hindi nabalewala yung serbisyo ni tatay para sa aming barangay," pahayag ni Datiles. Ipinaliwanag naman ni LNB President Reginal C. Oliva na nararapat lamang matanggap na ng mga naiwang pamilya ng mga namayapang myembro ng LNB ang kaunting tulong mula sa LNB dahil bukod sa silbing pagkilala sa serbisyong inilaan nila ay makatutulong ito ng malaki sa nangyayaring pandemya sa bansa. "Dapat lang ibigay dahil para talaga sa kanila yan. May taunang annual dues ang bawat barangay at nakatutuwa dahil marami tayong mga kasamahang kapitan sa LNB na kusa ng nagbibigay ng dues para matulungan nga ang mga pamilya ng ating mga kasamahang namayapa na," saad ni Oliva. Samantala, ayon sa IRR ng LNB makatatanggap ng 50,000 Php ang pamilya ng namayapang punong barangay, 30, 000 Php ang pamilya ng namayapang mga kagawad, kalihim, ingat yaman at SK Chairman, 20,000 Php ang pamilya ng mga namayapang Barangay Tanod at 5,000 Php ang pamilya ng mga namayapang Lupong Tagapamayapa. Siniguro naman ni LNB President OIiva na patuloy ang pagbibigay nila ng tulong-pinansyal sa mga pamilya ng mga namayapang miyembro ng LNB bilang bahagi ng kanilang serbisyo publiko sa mamamayang Calambeño. #LNB #LigangmgaBarangay #LAKASNGBAYAN #CALAMBACITY
Comments