“Hindi ko na kaya! Susuko na ako!” sinasabi ko sa aking loob habang humahagulgol sa pag-iyak. “Lagi na lamang ganito! Napakaraming ipinapagawa!” ito ang laging sigaw ng aking utak. Matagal ko nang gustong sabihin kay nanay ang tungkol dito ngunit nahihiya ako. Isang araw ay naglakas-loob akong magsalita sa kanila, “Nay, ayaw ko na po mag-aral. Tutulungan ko na lang po kayo sa pagtatrabaho. Sa totoo lamang po ay gustong-gusto ko nang isigaw sa aming school na "ayaw ko na!" dahil ang hirap magtrabaho habang nag-aaral.” Pagkatapos ng hapunan, inaya ako ni Nanay na pumunta sa kan'yang kwarto. “Alam mo anak, ang pagsuko ay malaking pagpapatunay na ikaw ay isang mahinang tao. Ang laban, dapat hinaharap. Di yan tinatalikuran at sinusukuan,” bigkas ni Nanay. “Sinusubukan ko naman po itong harapin, ngunit tinatanggap ko naman po na talo ako at tanggap ko na mahina ako,” wika ko kay nanay. “Hindi ka mahina anak, ang mahalaga ay sinubukan at hinarap mo ang mga pasubok at suliranin. Basta tandaan mo anak na ang buhay ay parang basketbol; may nananalo, may natatalo. Ngunit ang paraan upang ‘di ka matalo ay kumapit ka sa Panginoon, at magtiwala sa sarili,” payo sa akin ni Nanay. Kinabukasan ay hinatid ako ni Nanay sa eskwela. Habang dumadaan kami malapit sa flag pole ay biglang may sinabi sa akin si Nanay. “Anak, nakikita mo 'yang bandera? Maaari mo rin 'yang ihalintulad sa buhay ng tao.” sabi sa akin ni Nanay. “Paano naman po? Parang wala naman po 'yang kaugnayan sa buhay eh.” natatawa kong sagot kay nanay. “Ngayong araw ay nakataas 'yang bandera. Isipin mo na lamang na ‘pag nakataas 'yang bandera ay sumisimbulo sa iyong tagumpay sa mga hamon ng buhay. Ngunit, ‘di naman lagi ‘yan nakataas, minsan ay nakababa na sumisimbulo sa kalungkutan o pagkatalo. Ano ba ang mas gusto mo, nakataas ang bandera o nakababa?” sambit ni Nanay. “Syempre nay, nakataas,” masigla kong pagsagot. “Yun naman pala ‘eh. Kaya ano ang dapat mong gawin?” tanong sakin ni Nanay. “Syempre nay, dapat akong manalo sa laban!” sagot ko kay nanay. “Anong gagawin mo para manalo?” masayang tanong sakin ni Nanay. “Harapin po ang laban at ‘wag susuko!” palaban kong sagot kay nanay. “’Yan dapat, anak talaga kita. I love you, anak. Magiingat ka sa pag-uwi ha,” patawang sinabi sakin ni Nanay.
Comments